nagpunta kaming laguna nung week end.
first time ko natulog sa hotel o resort na may nirerentang kwarto. noon lang rin ako nakakain ng puting keso na naiwan namin sa kwartong tinulugan namin nung sabado ng gabi na may malaki at lumang salamin sa gilid at sa may headboard para mas nakakatakot pag may nagpakitang multo. kung may multo mang dumalaw samin nung gabing yun wala kaming napansin, tulog kagad kaming tatlo.
nagpunta kami ng elbi pagkatapos kumain ng marami sa mr kabab. kumain kami sa mr kabab pagkatapos nung gig ni khowee. pagdating namin sa calamba, naghanap muna kami ng tutulugan... mahirap matulog sa bus lalo na pag pinipilit mong panoorin ang unti-unting pagsikat ng araw sa gumagalaw na sasakyan at nilalamig ka. 3 oras lang ang tulog namin pero parang isang taon na ang nakalipas mula nang lisanin namin ang maynila.
nagalmusal kami sa oras na malapit nang mananghali ang mga normal na tao. hindi uso ang normal. kumain kami ng donut at nagkape tapos sinimulan naming palipasin ang araw sa uplb.
naglakad kami sa elbi. wala kaming pinupuntahan, naglalakad lang kami. naglakad kami sa sobrang kapal na damo na masarap sigurong gulungan na parang bata kung hindi lang baka magulungan ko din yung maliliit na paru-parong lumilipad ilang pulgada lang mula sa damo. andaming puno sa elbi! bihira kang makakita ng higanteng puno sa maynila... tapos parang anlaki-laki ng mundo! mababaw ang kaligayahan ko nang mga panahong yon (hanggang ngayon ata), makakita lang ako ng bundok masaya nako. panandalian ko ring natakasan ang buhay at araw-araw na minsan ansarap nang isuka. tila walang hanggan ang mga kalsada at daanang magpapakita sayo kung gaano nga kaganda ang mundo. mas masarap panoorin ang pagtakbo ng tubig sa batis (batis ba yon?) na halos natatakpan ng mga maliliit na puno't halaman mula sa mga tulay na nilakad namin papunta sa kahit saan. wala halos tao at sa katahimikan ay maririnig mo ang bulong ng hangin sa mga puno tangay ang mga tuyong dahon na marahang bumabagsak sa lupa kasama ng ulan. nakaupo kami sa labas ng library noon at pinagmamasdan ang mundo.
habang nakasilong at nangangarap maglaro o magsayaw sa ulan, nananghali kami sa natirang donut mula sa almusal at ininom ang mga nakaplasticbag na gatas na binili namin sa loob ng campus, nagkwentuhan, bumili ng palitaw mula sa batang pinagbigyan namin ng nalalabing donut na wala nang gustong kumain at pinagtapon ng mga kalat namin.
pagkatapos ng ulan, naglakad ulit kami. may nadaanan kaming garden at kinatuwaan namin ang iba't ibang bulaklak. tila hindi tumatakbo ang oras o ang mundo. wala lang. suspended reality. surreal... at least para sakin.
bumuli kami ng masarap na mais at tubig tapos tumambay sa steps ng isang building sa likod ni oble, nagkwentuhan at hinintay ang mundong yapusin ng dilim.
dumilim.
nag-internet kami.
tapos naglakad pauwi kila hani. dahil nakasara sa kanila, naghanap muna kami ng tutulugan. yung una, full. matapos ang mahabang pagitan ng kalsada sa lumalalim ng gabi, nakahanap ulit kami ng hotel pero para may options kami, pinuntahan din namin yung inn sa tapat na mukhang mas mura. ito yung maiksing bahagi ng kwento na pwede sanang pagmulan horror film: pumasok kami at sinalubong ng tagapamahala na mukang adik, bangkay o bangungot (ansama ko!) na ipinakita samin ang isang kwarto na mukhang pinangyarihan ng krimen o exorcism. nakakatakot ung lugar. madilim ung daanan. maaring niloloko ko kayo o niloloko namin ang sarili namin, pero nakakagimbal talaga. bumalik kami sa hotel/resort, para sa 50php pagkakaiba, isang di hamak na mas matinong kwarto. matapos ang sandali pang kwentuhan tulog na sila, natulog na din ako.
pagkagising, kape at pandesal kasi gusto naming tikaman at kainin ang parang natutunaw na na kesong puti. inubos namin ang binayaran naming 12 oras sa kwarto tapos tumambay sa kina hani na kung anu-anong papel, hand outs, libro at babasahin ang ibinibigay sa natutuwa kong mga kamay. pagkatapos ng tanghalian ng kape, coke, ampalaya at chicken, naisipan na naming balikan ang mundo.
mahaba ang byahe sa bus, mas mahaba sa french version ng isang napanood ko nang pelikula tungkol sa batang taga-tribong panandaliang tumira sa syudad...
pag-uwi sa bahay. parang hindi rin ako nawala. pagpasok ng kwarto, parang nawala na naman ako... nalunod sa libro, unan at panaginip.
halata bang wala akong magawa.
3 comments:
waah! kala ko dka sumama ayon kay maridel, gara, hmnn.. tagalog ang iyong huling entry, sana hindi 'to yung last na punta sa laguna, saka sana marami tayo at makasama na ulit ako, na-miss ko den laguna habang nagsasayang mag-movie marathon sa bahay nila arfel, na-miss ko kayo,at na-miss ko den ang pagpapakalasing, hindi sa alak kundi sa buhay......wooh! adik!
Akala ko walang puwang sa makabuluhang storya ng buhay mo ang pagbisita nyo sa eLBi. Maige nama't may nakwento ka kahit papano. Ü
PS
Nekstaym kunin natin yung creepy na room. ~~Dadaaannn...
nekstaym... akyatin natin yung bundok!!!
tsaka yung botanical garden!
kelan kaya ang next time...
Post a Comment